Thursday, June 18, 2020

Pagnanasang makapagtrabaho

karatula'y nakita, ako'y nagbakasakali
kailangan daw ng helper, ako ba'y maaari?
magpasa ng biodata, at magsimulang muli
upang pamilya'y di magutom, dapat magpunyagi

sa kabila ng kwarantina'y mamimili pa ba
ng trabaho? mahalaga'y ang magkatrabaho na
upang may maisubo sa pamilyang umaasa
matanggap lang ako'y maganda na itong umpisa

trabahong may sahod, habang wala sa pagsusulat
mabigat man ang trabaho'y dapat gawin ang lahat
magpaalipin man sa kapitalista'y mabigat
ngunit walang magawa kaysa mamatay kang dilat

itinuring kong kwarantina'y panahon ng Hapon
nang dahil sa giyera'y nalumpo ang buong nasyon
dapat magpunyagi upang pamilya'y may malamon
wala nang pili-pili, magkatrabaho lang ngayon

- gregbituinjr.

No comments:

Post a Comment

Mayo 7, araw ng mga health worker

MAYO 7, ARAW NG MGA HEALTH WORKER ang ikapito ng Mayo ay  Health Workers' Day  pala sa mga health worker, salamat sa inyo talaga dahil s...