Sunday, April 26, 2020
Saan patungo ang maghapon?
na kahit tag-araw, pakiramdam mo'y bumabagyo
nilalagnat ang kalamnan, tumama'y ipuipo
paano ba malulunasan ang sakit ng ulo
nangangatog ang mga tuhod pagkagising pa lang
animo'y pinaglaruan ng sanlibong balang
tila ba nagdedeliryo, diwa'y palutang-lutang
nasa diwa'y paano diligan ang lupang tigang
masakit makitang magkasakit ang kapamilya
di maisugod sa klinika pagkat walang pera
di malaman kung nakabuti nga ang kwarantina
lalo't wala na ngang trabaho ay wala pang kita
"Bawal magkasakit," ayon sa isang patalastas
ito'y isang paalalang dapat kang magpalakas
magpaaraw ka, maggulay ka, uminom ng gatas
at tubig, bakasakaling ito ang makalunas
- gregbituinjr.
Saturday, April 25, 2020
Ang kwarantina'y isang garison
sa sariling tahanan ay bilanggong nakakulong
tingin sa sarili'y walang kwenta, nabuburyong
nabubuhay, ani Balagtas, sa "kutya't linggatong"
nabubusog ang tulad ko sa maraming palagay
habang gutom sa hustisya ang natokhang, pinatay
guniguni'y may binubulong habang nagninilay
dapat kong ituloy ang gawaing basa-talakay
malupit ang pakiramdam sa bahay nakapiit
para bang sa kwarantina lagi kang nakapikit
habang kinukulong din ang vendors na maliliit
sa iba'y munting bagay, sa akin nakakagalit
ramdam ko'y buryong sa kwarantina, sa totoo lang
sa garisong ganito'y nais ko na'y kalayaan
ngunit nais ko pang manatili ang katinuan
kaya tula pa rin ng tula sa kasalukuyan
- gregbituinjr.
Friday, April 24, 2020
Mapuputing ulap
at muling naghahabi ng mga bunying pangarap
gayong sa lockdown ay pagkalugmok ang nalalasap
tila pati sa sarili, ako na'y nagpapanggap
nagpapanggap na kunwari ako'y malakas pa rin
kahit dama'y panghihina ng katawang patpatin
na ang isang sakong bigas ay kaya pang buhatin
na sampung kilometro'y kayang-kaya pang lakarin
matatag pa rin sa niyakap kong paninindigan
lalo na't ako'y wala namang layaw sa katawan
tumutula upang manatili ang katinuan
nilalaro'y sudoku, inaaliw ang isipan
langit na'y nagdidilim, may paparating na unos
at ang mapuputing ulap animo'y nauubos
paano na haharapin itong paghihikahos
sa gitna ng kwarantinang sa bayan nakayapos
- gregbituinjr.
Naglalaro ang mga manok
animo'y nagbibiruan silang di mo maarok
pinagmamasdan silang ang dama ko'y pagkalugmok
tila ba bawat kalamnan ko'y nais magsiputok
kailan ba matatapos ang kwarantinang ito
nang makahanap ng gawaing kumikita ako
mahirap ang walang kita sa sitwasyong ganito
pakiramdam ko sa sarili, ako na'y perwisyo
isa lang akong pabigat sa pamilya ng byenan
walang maiambag upang magkalaman ang tiyan
lagi'y lampaso, linis, laba, maghugas ng pinggan
paikot-ikot na lang, wala nang ambag sa bayan
sana'y matapos na ang lockdown na di na mabata
nais kong muling magboluntaryo't bagong simula
muling gagampanan ang tungkuling mapagpalaya
at muling makibaka laban sa mga kuhila
- gregbituinjr.
Thursday, April 23, 2020
Pagninilay sa kawalan
Soneto: Kapit sa Patalim
Kwarantina'y higit isang buwan na, walang kita
Ano na bang dapat gawin, tutunganga na lang ba?
Paano na kami kung patuloy ang kwarantina?
Inipong pera'y ubos na, tibuyo'y bubuksan na?
Tibuyo'y may kaunting barya, walang limang daan
Saan ito aabot kung lockdown pa'y isang buwan?
Ang hirap ng baon sa utang na di mabayaran
Pati yata puri'y baka maibentang tuluyan.
Alalay mula sa gobyerno'y sadya namang kapos
Tunay na sa sampung milyong tao, ayuda'y ubos
Ang daming kakapit sa patalim, walang panustos
Lumalalang sitwasyon ba'y kailan matatapos?
Isiping maigi ang solusyon at magmadali
Magbayanihan tayo'y nawa'y wala nang masawi.
- gregbituinjr.
04.23.2020
Wednesday, April 22, 2020
Kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat
kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat
kuliglig ba'y dinig ko o tulog pa silang lahat?
kulisap na iba't iba'y naroroong nagkalat
kulit ni bunsong di mapakali'y saan nagbuhat?
kulog at kidlat animo'y naglampungan sa langit
kulob sa munting dampang munting kibot lalangitngit
kulong pa sa dampa pagkat kwarantina'y naulit
kulo pa ang tiyan, sana'y di naman magkasakit
kulang pa ba sa pamilya ang rasyong ibinigay?
kulata pa'y aabutin pag lumabas ng bahay
kulaba sa mata'y tila lumaki't nangangalay
kulag at gutom pa'y dama, buti't di nangingisay
kulti ang tawag sa pabrika ng balat ng hayop
kultibasyon ba'y tinitiyak upang magkasalop?
kulto sana'y tigilan ang pagsipsip at pagsupsop
kultura'y ating linangin nang di basta masakop
- gregbituinjr.
04.22.2020 (Earth Day)
Tuesday, April 21, 2020
Ang tagpo'y tagpos man sa takdang panahon
tagaktak ang pawis sa bawat niyang pagpunyagi
tagal man ng kwarantina'y di nagpapaduhagi
tagas sa gripo'y papasakang may pagmamadali
tagasaan man ay laging nagbabakasakali
tagistis ang pawis sa pagsisipag nilang todo
tagilid kasi ang kabuhayang walang trabaho
tagibang habang iniisip ang kasunod nito
tagisan muna tayo sa paglaro ng sudoku
tagunton ang nililikha ng makata ng buhay
tagulaylay ang kinakatha habang nagninilay
taguyod ang panitikang may mga akdang lantay
taguri sa makata'y isang libo't isang panday
tagpong kung di matingkala'y baka di makaahon
tagpos man o sadyang lampas na sa takdang panahon
- gregbituinjr.
Sunday, April 19, 2020
Sa panahon ngayon, Estremelenggoles
Estremelenggoles, nananalasa na ang salot
Sa panahon ng COVID-19, ang tao'y hilakbot
Takot sa kalabang di makita't saan susulpot
Ramdam ang pangamba sa sakit nitong dinudulot
Ewan ba natin bakit ang mundo'y nagkaganito
Makatang Rio Alma'y tinula na noon ito
Estremelenggoles, pamagat ng tula ni Rio
Laman ng istorya'y salot, COVID ang kapareho
Enactment ba ang kanyang tula sa nangyari ngayon
Nananalasa ang salot at pumatay ng milyon
Gawa'y nag-atas sa lahat ng manggagamot noon
Gumamot, maghanap ng lunas sa salot na iyon
O, anong nangyari? Ang sakit ay di rin nagapi
Lunas ay wala rin, buhay ng milyon ay naputi
Estremelenggoles at biglang nagbigti ang hari
Salot ay nawala, at buong bayan ay nagbunyi!
- gregbituinjr.
Saturday, April 18, 2020
Ang kalabang di nakikita
parang "Predator", ang kalabang di natin makita
pumapaslang tulad ng COVID na nananalasa
tanging magagawa raw sa ngayon ay kwarantina
habang kayraming frontliner yaong nangamatay na
paano ba sasagupain ang kalabang ito
di mo siya makita't nananalasa ng todo
ni di mo nga maasinta ang bungo niya't noo
kahit sanlibong isnayper ay di masipat ito
dahil kakaiba ang kasalukuyang digmaan
di nakikita ang "Predator" sa bahay, sa daan
di masubaybayan kung sila'y nasa pamayanan
o baka sila'y nasa ospital ng bayan-bayan
layuan ang mga ospital, baka naroroon
ang mga "Predator" kaya may namamatay doon
di kaya ng ngitngit mo lang ay mapupulbos iyon
gamitin ang talino laban sa kalabang yaon
di habang panahong mabubuhay tayo sa horror
halina't magtulungan tayo laban sa Predator
tulad ng pagpapabagsak ng masa sa diktador
ang makalahok sa pagkilos ay isa nang honor
- gregbituinjr.
Friday, April 17, 2020
Gunam-gunamin mo ang sakit na kasumpa-sumpa
Gunam-gunamin mo ang sakit na kasumpa-sumpa
Gunam-gunamin mo ang sakit na kasumpa-sumpa
Gustong madalumat pagkat di iyon matingkala
Guniguni'y tila baga may asam na adhika
Gugulin ay di na mawari pagkat walang-wala
Gutom at di makapagtrabaho ang nangyayari
Gugupuin ang kalusugan nating di mawari
Gulo ito kung namumuno'y tila walang silbi
Gutay-gutay na pamumuhay sa dusa'y sakbibi
Guhong mga pangarap sa dibdib na'y halukipkip
Gubat na ang lungsod na animo'y di na malirip
Gunggong ang tusong trapong sarili lang ang inisip
Guwang sa polisiya nila'y ating nahahagip
Gulat man ang masa sa sakit na nananalasa
Gulantang man ang bayan sa biglaang kwarantina
Gulilat man tayo sa aksyon ng trapong paasa
Gusot ay maaayos pag nalutas ang pandemya
- gregbituinjr.
Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom
marami nang sa COVID ay namatay nang tuluyan
namatay sa gutom ay wala pang nabalitaan
dahil ba likas sa taong gumawa ng paraan
upang pamilya'y di magutom, may laman ang tiyan
may namatay dahil binaril ng mga halimaw
nagprotesta dahil sa gutom, ito ang malinaw
tagtuyot sa Kidapawan, walang ani, malinaw
at sila'y binaril, tatlong magsasaka'y pumanaw
gayong lehitimo naman ang panawagan nila
ngunit iba ang COVID na tao'y na-kwarantina
walang sakit, walang ring trabaho, may paraan pa
laban sa gutom, bayanihan ang mga pamilya
wala pang namamatay sa gutom, kahit pa dukha
dahil likas sa taong may paraang ginagawa
subalit sa COVID, baka di sila makawala
nananalasang sakit na ito'y nakakahawa
frontliners na doktor, nars, kayrami nilang namatay
upang sagipin nila sa sakit ang ibang buhay
sa mga frontliner, taos-puso pong pagpupugay
salamat! nawa'y di kayo magkasakit! mabuhay!
- gregbituinjr.
Thursday, April 16, 2020
Preskong umaga
sa umaga'y kay-agang gumising
mula sa masarap na paghimbing
lalo't sa iyo'y may naglalambing
na tila bituing nagniningning
salubungin natin ang umaga
na sa puso'y may bagong pag-asa
na sa kabila ng kwarantina
ay di pa rin tayo nagdurusa
lasapin mo ang hanging amihan
damhin sa puso't nakagagaan
kayganda pa nito sa katawan
at nakalilinaw ng isipan
gigising na bandang alas-sais
at sa paligid na'y magwawalis
mag-eehersisyo, maglilinis
at kung may kalat ay mag-iimis
magsasaing na ri't magluluto
ng gulay, itlog, hawot na tuyo
at matapos nito'y maliligo
preskong umaga, walang siphayo
- gregbituinjr.
Tuesday, April 14, 2020
Panahon na nga ba ngayon ng hikbi't sawimpalad?
panahon na nga ba ngayon ng hikbi't sawimpalad?
na pesteng sakit ay parang ipuipong lumantad
di agad nakatugon yaong pagong kung umusad
habang marami'y sa sariling pawis nakababad
panahon na ba ng pagdurusa, hibik at hikbi
marami nang nagugutom at di na makangiti
dahil sa nanalasang sakit ay di makauwi
habang iba'y nagkasakit at tuluyang nasawi
oo, nasa panahon na tayo ng hikbi't hibik
rumaragasang sakit ay buhawing anong lintik
paano pipigilang mga mata'y magsitirik
sa sitwasyong ang sakit ay sa mundo dumidikdik
dukha't panggitnang uri man ay dapat magkaisa
upang maiwasan ang sakit ay mag-kwarantina
ngunit dapat gutom ay solusyunang kapagdaka
kung wala'y kunin ang yaman ng mapagsamantala
kung burgesya noon, dukha't obrero'y tinitiris
at ngayon, mamamayan sa gutom ay nagtitiis
dapat maglabasan ang kapital ng mga burgis
at pagkaisahang sistemang bulok na'y mapalis
- gregbituinjr.
Una ang Taal, sunod si Kobe, ngayon ay COVID
Monday, April 13, 2020
Magbasa-basa habang nasa lockdown
magbasa-basa habang tayo'y nasa kwarantina
magbasa ng tula, kwento, sanaysay at nobela
magbasa ng akda ni Edgar Allan Poe't iba pa
magbasa rin ng mga pilosopiya't teorya
mag-ehersisyo muna sa umaga pagkagising
at pagkatapos ng gawaing bahay ay magsaing
mag-sudoku muna bago o matapos kumain
sunod ay magbasa ng dyaryo, aklat o magasin
huwag sayangin ang oras sa walang katuturan
tulad ng inom, at pamilya'y napapabayaan
magbasang tila may himagsikang paghahandaan
patalasin ang isip ng maraming kaalaman
magbasa rin ng iba't ibang nobelang klasiko
basahin mo rin ang iba't ibang kwento't soneto
mga tula ni Shakespeare ba'y nauunawaan mo
magbasa-basa pagkat nasa lockdown pa rin tayo
- gregbituinjr.
Mag-jumping jack sa umaga, tayo'y mag-ehersisyo
mag-jumping jack sa umaga, tayo'y mag-ehersisyo
tumalon upang kalamnan ay tumatag nang husto
paminsan-minsan, mag-isangdaang push-up din tayo
maggulay at magbitamina, pampalakas ito
magpainit sa arawan pagsapit ng umaga
uminom ng kape nang mainitan ang sikmura
halina't sabay tayong mag-ehersisyo tuwina
palakasin ang katawan at kutis ay gumanda
mag-ehersiyo hanggang sa tumagaktak ang pawis
bakasakaling mga mikrobyo'y agad mapalis
tumakbo-takbo ring marahan, di naman mabilis
at habang nag-eehersisyo'y huwag bumungisngis
dapat magpalakas sa panahon ng kwarantina
at mag-ingat laban sa sakit na nananalasa
lalo ang kalusugan ng katawan at pamilya
halina't tayo'y mag-ehersisyo tuwing umaga
- gregbituinjr.
Thursday, April 9, 2020
Mabuti't di sumasamâ ang lasa
Mabuti't di sumasamâ ang lasa
Pasasalamat sa mga frontliners ngayong Araw ng Kagitingan
Pasasalamat sa mga frontliners ngayong Araw ng Kagitingan
Makabagong bayani ang mga frontliners, oo
Anong tindi ng kanilang ambag at sakripisyo
Kahit lockdown ay patuloy ang kanilang serbisyo
At ginamot ang may COVID, tinamaang totoo
Bayani sa naiibang kaharap na giyera
At nagsitulong laban sa sakit na nanalasa
Gumaling din ang iba't may namatay sa kanila
O, mga frontliners, tulong n'yo'y napakahalaga!
Nais naming pagpugayan bawat isa sa inyo
Ginawa n'yo bawat makakaya para sa tao
Buhay ang nakataya, mga bansa'y pinerwisyo
At kayo'y di umatras, bagkus ay kumilos kayo!
Yinanig man ang mundo ng sakit na kumakalat
Ay naririyan kayong ang tulong ay di masukat
Nawa'y di rin magkasakit. Mabuhay kayong lahat!
Itong tula'y bilang taospusong pasasalamat!
- gregbituinjr.
04.09.2020
Wednesday, April 8, 2020
Bahaginan ang kapwa sa panahon ng lockdown
Social distancing din muna kahit sa mag-asawa
social distancing din muna kahit sa mag-asawa
dapat daw ay isang metrong distansya o higit pa
pag kumain nga kami, tigisa kaming lamesa
at pag natulog, ako'y sa banig, siya'y sa kama
kung maglalakad sa lansangan, may social distancing
bawal din ang paghalik, ngipin muna'y sipilyuhin
ang tinga'y alisin, loob ng bibig ay linisin
pag hininga'y mabaho pa rin, mag-social distancing
bawal yumakap lalo'y ilang araw walang ligo
kapos pa sa tubig, punas muna ng bimpo't panyo
di muna nag-ahit, bigote't balbas na'y kaylago
mag-aahit lang pag kwarantinang ito'y naglaho
social distancing din habang nasa labas ng bahay
ganyan din habang sa Enkantadia'y nakaantabay
at kumakatha pa rin ang diwang di mapalagay
dahil sa kwarantinang nagpapatuloy pang tunay
- gregbituinjr.
Di ako tumambay sa kabila ng lockdown
oo, lagi lamang kaming nasa loob ng bahay
ngunit sa kabila ng lockdown, di ako tumambay
nagtrabaho pa rin kahit maghapong nagninilay
nililikha ang samutsaring kathang binulay-bulay
nitong lockdown nga, tatlo, apat, anim, pitong tula
ang sa isang araw pa lang ay aking nagagawa
na istrikto kong kinakatha'y may sukat at tugma
ilan ma'y walang sesura, piling-pili ang paksa
sinimulan kong kathain ang mga simpleng bagay
mula sa paligid, eskinita, lansangan, tambay
tinidor, kutsara, sinelas, COVID, nininilay
upang sa nakararami, tulang ito'y ialay
madaling araw pa lang ay gising na yaring diwa
nasa panaginip ang mga paksang kinakatha
nasa guniguni ang mga manggagawa't dukha
nasa balintataw ang umagang anong dakila
matapos ang gawaing bahay, isang tula muna
matapos magluto ng agahan, isang tula pa
habang nasa kubeta'y nagsusulat pa ng isa
nagbibilang ng pantig, katha'y lumbay at pag-asa
kahit na anong paksang nasa ilalim ng araw
magnilay, diwa'y patalasin tulad ng balaraw
hanggang hatinggabi, may paksang nasa balintataw
tatlo pa't limang tula sa diwa'y biglang lilitaw
- gregbituinjr.
Tuesday, April 7, 2020
Salamat sa mga frontliners ngayong World Health Day
Salamat sa mga frontliners ngayong World Health Day
ngayong World Health Day, taospuso pong pasasalamat
sa mga frontliners sa inyong tungkuling kaybigat
kaharap n'yo'y sakit na di makita o masalat
naririyan pa rin kayong ginagawa ang lahat
anong tindi ng nakaatang sa inyong balikat
sa inyong frontliners, salamat po ng buong puso
kayraming kwento ng doktor, nars, iba't ibang tagpo
reporter, basurero, obrerong loob ay buo
maraming doktor na'y nawala, buhay ay naglaho
nalagas ang maraming buhay, nakapanlulumo
dahil sa lockdown, mamamayan ay sa bahay muna
mabagal man, gobyerno'y may pakimkim sa pamilya
kayo'y nakaharap sa sakit na nananalasa
dahil sa kwarantina, pamilya'y di makasama
sa kabila nito, frontliners kayong mahalaga
O, frontliners, nawa'y di kayo dapuan ng sakit
tumutulong sa di kilala, nagpapakasakit
salamat sa sakripisyo n'yo't pagmamalasakit
ang wish namin sa World Health Day, di kayo magkasakit
pasasalamat namin sa inyo'y paulit-ulit
- gregbituinjr.
04.07.2020
Sa World Health Day: FREE MASS TESTING NOW!
Monday, April 6, 2020
Anila, "Stay at home"
Sunday, April 5, 2020
Pagkatha't pagtatanim sa panahon ng lockdown
Saturday, April 4, 2020
Frontliner din ang mga basurerong manggagawa
Ika nga nila: "Distancia Amigo"
Friday, April 3, 2020
Nais kong magboluntaryo laban sa COVID-19
Wednesday, April 1, 2020
Ligalig ngayon ang bayan
Ligalig ngayon ang bayan
ligalig ngayon ang bayan, ang lahat ay balisa
liglig sa dusa lalo't sa bahay ay tambay muna
ligid-ligid lang ang COVID-19, nananalasa
ligtas sana ang bawat isa't kanilang pamilya
ligoy pang mangusap ang ilan na mag-kwarantina
ligaw tuloy ang masa sa kanilang nadarama
ligwak din sa gutom ang masang balisa tuwina
liga'y tumulong sana upang matulungan ang masa
ligo sa umaga, simula ulo hanggang paa
ligamgam ng tubig ay damhin habang kumakanta
ligisin ng todo ang anumang dumi't bakterya
lipit na matapos maligo, kunin na ang twalya
ligtas na pamilya'y tila ba isang pangarap na
ligaw man sa ngayon, nawa'y matapos na ang dusa
ligaya ma'y di dama, sana'y ligtas bawat isa
ligalig na panahon ito'y malampasan sana
- gregbituinjr.
Mula lockdown hanggang lock jaw
Mula lockdown hanggang lock jaw
sabi ng isang kakilala, from lockdown to lock jaw
tila nakuha pang magbiro sa panahong ito
o baka naman dahil sa gutom, siya'y seryoso
lalo't ulam lang niya'y ihaw na tuhog sa kanto
siya'y murang tuhog-tuhog ang nilantakan na rin
dahil nagtitipid sa panahon ng COVID-19
paano kung kalusugan niya'y di patawarin
kung magkasakit siya'y paano patatawirin
dahil diyan, baka lockdown to lock jaw na'y mangyari
huwag naman sana, ngunit di tayo mapakali
di ka sa COVID-19 mamamatay, yaong sabi
kundi sa gutom, SA GUTOM, para kang walang silbi
sana kalagayang ito'y bumalik na sa ayos
pananalasa ng salot ay tuluyang matapos
sana maprotektahan din ang mga dukhang kapos
magkaroon din sila ng pagkain at panustos
- gregbituinjr.
Mayo 7, araw ng mga health worker
MAYO 7, ARAW NG MGA HEALTH WORKER ang ikapito ng Mayo ay Health Workers' Day pala sa mga health worker, salamat sa inyo talaga dahil s...
-
PARA LAHAT, LIGTAS nakapinta sa daang baka iyo ring nilandas ang bilin kung sa trabaho'y papasok o lalabas kung sa palengke patungo upan...
-
Mga binhi ng sili noon nga'y bumili pa ako ng binhi ng sili kung saan sa tindahan ito pa'y nakapakete itinanim ko sa plastik na paso...
-
COMMUNITY PANTRY'Y NAGSARA NANG DINAGSA NG TAO mapapaisip ka kung di nakinig ng balita lalo't community pantry na layon ay dakila ay...