Friday, February 18, 2022

Bakit bawal magkasakit?

BAKIT BAWAL MAGKASAKIT?

pag may sakit ka'y di na papansinin
lalayuan ka na lang nilang kusa
tila ba wala ka nang kayang gawin
kundi sa maghapon ay tumunganga

tingin na sa iyo'y namamalimos
ng awa upang makabiling gamot
at batid nilang wala kang panggastos
di ka na pansin, ikaw na'y nalimot

iyan ang masaklap na sasapitin
ng tulad kong may sakit sa kabila
ng katapatan mo sa adhikain
na sadyang tagos sa puso mo't diwa

maliban kung may hawak kang tungkulin
nagagampanan ang misyong dakila
ah, subalit kung pabigat ka lang din
turing sa iyo'y wala ka na, wala

nabuhay na puno ng sakripisyo
ngunit sa gawain ay nagkasakit
nabuhay na niyakap ang prinsipyo
na sa puso't diwa mo'y nakaukit

may sakit ka na, walang pakinabang
ah, magpagaling ka na lang sa bahay
turing sa iyo'y pabigat ka na lang
marami kang kapalit, mas mahusay

tulad ka ng T.V. o radyong sira
di ka aayusin, papalitan ka
para ka nang kagamitang naluma
di na aayusin, papalitan na

kaya sa atin, bawal magkasakit
kaya dapat manatiling malusog
ang katawan ay alagaang pilit
at sa trabaho'y huwag pabubugbog

kung may magmalasakit, ay, mabuti
may kasangga kang nagpapahalaga
ngunit huwag kang basta mawiwili
pagkat bihira lang ang tulad niya

- gregoriovbituinjr.
02.18.2022

Tuesday, February 8, 2022

No vaccine, no ride

NO VACCINE, NO RIDE

madali lang makasakay sa dyip
kaya nga, di ka na maiinip
iyon nga lang, doon ay masikip
na agad mo namang masisilip

gayunman sa dyip, walang manita
kung nakapagpabakuna ka na
at wala rin kasi roong gwardya
kung may vaccination card kang dala

aba'y wala pang social distancing
tila ang kita'y hinahabol din
na pag nag-lockdown, walang makain
kaya pasahero'y sisiksikin

"no vaccine, no ride" ang paskil doon
parang pakitang-tao lang iyon
vax card mo'y wala nang nagtatanong
kunwa'y bakunado lahat doon

ah, mabuti na rin ang ganito
walang abala sa pasahero
lalo na't papasok sa trabaho
ngunit pag nagkasakit, paano?

- gregoriovbituinjr.
02.08.2022

Monday, February 7, 2022

Upong seksi

UPONG SEKSI

"Upong seksi muna, maraming pasahero" sa dyip
sa paskil na ito'y talaga kang mapapaisip
upong seksi? nang magkasya lahat, kahit masikip?
"nahan ang social distancing?" ang agad kong nalirip

- gregoriovbituinjr.
02.07.2022

Konting tulong sa mga drayber

KONTING TULONG SA MGA DRAYBER

gutom ang idinulot ng pandemya
sa mga drayber na namamasada
konting tulong ang hinihingi nila
lalo't bihira naman ang ayuda

upang sa araw-araw mairaos
yaong buhay nilang kalunos-lunos
sila'y di makapamasadang lubos
kaya sa pamilya'y walang pangtustos

konting barya lang sa tabo ilagay
anumang kaya ay ating ibigay
kabutihang loob na lang ang alay
sa tulad nilang di na mapalagay

tulungan natin silang di sumuko
sa konti mang pag-asa'y di mabigo
punuin natin ang kanilang tabo
ng mga barya o kahit na buo

- gregoriovbituinjr.
02.07.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa Katipunan at Balara malapit sa UP gate

Tuesday, February 1, 2022

No vaccination card, no ride

NO VACCINATION, NO RIDE

kung di ka raw bakunado'y di ka makasasakay
tulad sa paskil sa dyip kahit naghahanapbuhay
kayhirap namang sapilitan ang bakunang bigay
ngunit walang magawa kundi sumunod kang tunay

noong ako'y mag-first dose, ilang araw lang ay nanghina
malakas kong katawan ay nagka-COVID na bigla
apat na buwan matapos, second dose ay ginawa
upang matapos na't kumpleto ang bakunang sadya

upang di raw magkahawaan, ito'y sapilitan
kayrami mong karapatang sadyang naapektuhan
di ka makalabas kaya aking napagpasyahan
sumakay sa dyip at sumakay sa pamahalaan

kaya vaccination card ang pases kong makalabas
ng bahay at makapunta sa kung saan may atas
ang pinagtatrabahuhan kong may layuning patas
sa people's org. na hangarin ay lipunang parehas

ipakita ang vaccination card tulad ng I.D.
sa pagsakay sa dyip, sa bus carousel, sa L.R.T.
sa pagpasok sa mall, botika, grocery, palengke
kung wala nito'y paano ka kaya didiskarte

upang di dumanas ng gutom ang iyong pamilya
kung wala nito'y di makakapasok sa pabrika
apektado ang hanapbuhay, paano kumita
vaccination card sa panahong ito'y mahalaga

- gregoriovbituinjr.
02.01.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa loob ng sinakyan niyang dyip

Mayo 7, araw ng mga health worker

MAYO 7, ARAW NG MGA HEALTH WORKER ang ikapito ng Mayo ay  Health Workers' Day  pala sa mga health worker, salamat sa inyo talaga dahil s...