Monday, September 28, 2020

TanagĂ  sa panahon ng kwarantina

mahirap magkasakit
sa lockdown na kaylimit
ramdam mo'y anong lupit
sa panahong di sulit

kailangang mag-ingat
huwag kang malilingat
agapan pag may sinat
at iwasan ang lagnat

face mask, social distancing
face shield, huwag babahing
kung sakaling hihimbing
diwa'y alisto't gising

dapat kang may alkohol
tanging tagapagtanggol
sa sakit na sasapol
o virus na hahabol

ano bang dapat gawin
nang di tayo gutumin
aba'y pabitin-bitin
na itong buhay natin

wala nang nakakapa
sa bulsa ang dalita
walang kita't kalinga
at lagi pang tulala

kwarantina'y kaytagal
laging natitigagal
ramdam ko'y isang hangal
na ulo'y binubuntal

gutom ang kalaban
pabrika'y nagsarahan
baka mapagpasyahan
umuwing lalawigan

babalikan ang bukid
kaysa lungsod mabulid
ang sakit ay balakid
sa buhay na matuwid

- gregoriovbituinjr.

* Ang tulang ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 16-30, 2020, pahina 20.

Saturday, September 26, 2020

Ang una kong tagay sa anim-na buwang kwarantina

ang aking bahay-alak ay muli kong napalamnan
sa unang pagkakataon nitong anim-na-buwan
ng panahong kwarantinang uhaw sa kalasingan
tila ba nagsaya ang mga bulati sa tiyan

katagay ko'y dalawang bayaw na pinsan ni misis
di man madaldal, bangka ako sa kwentuhan, tsismis
nagiging matabil pag may tagay, di makatiis
samutsaring paksa'y napag-usapan, di man labis

isang malaking Red Horse, dalawang boteng hinyebra
pulutan ay fish cracker at may munting kamatis pa
drowing sa hinebra'y napag-usapan, anong saya
pati ang unang tagay na dinasalan pa nila

samutsari raw ang seremonya sa unang tagay
sa iba't ibang tribu raw, may seremonyang taglay
para sa kaligtasan sa pag-uwi, walang away
may bagong saliksik na namang akong naninilay

salamat sa tagay malipas ang anim na buwan
muling sumigla ang imahinasyon at kwentuhan
may mga bagong saliksik, plano't napag-usapan
na isusulat ko't ilalathala kalaunan

- gregoriovbituinjr.


Friday, September 25, 2020

Ginisang kamatis at hibe

madalas, upang makamura'y di na magkakarne
tulad ngayon, ginisa ko ang kamatis at hibe
lalo't kwarantina, walang kita, di mapakali
nagkasya man sa murang ulam, di ka magsisisi

kung may serbesa't alak lang, kaysarap na pulutan
habang bumabangka ka sa samutsaring kwentuhan
sa sarap ng luto, baka ngalan mo'y malimutan
haha, aba'y grabe, hibe't kamatis pa lang iyan

sa panahon ngayon, kailangang magtipid-tipid
magtanim-tanim din ng gulay sa pali-paligid
malay mo, masagip sa gutom ang iyong kapatid
at pamilya dahil nagsipag ka, di mo ba batid?

mag-ulam din ng hibe't kamatis paminsan-minsan
lalo na't tulad ko'y vegetarian at budgetarian
kung maiksi ang kumot, mamaluktot ka rin naman
saka umunat pag kinikita na'y kainaman

- gregoriovbituinjr.

Thursday, September 24, 2020

Talbos ng kamote't sardinas

sa bakuran sa umaga'y kaysarap ding mamitas
ng talbos ng kamoteng igigisa sa sardinas
ulam din itong sa kwarantina'y pagkaing ligtas
payat man ay nadarama ring ito'y pampalakas

sa sibuyas at bawang ito'y aking iginisa
o, kaybango ng bawang na nanuot sa sikmura
hanggang nilagay ang sardinas na dinurog ko na
at hinalo ang talbos, O, anong sarap ng lasa

hanggang maluto na ito't sa hapag na'y hinain
nilantakan din nila ang masarap kong lutuin
tanghalian iyon, sa linamnam ay nabusog din
sa sarap, pangalan ko'y tila nalimutan ko rin

habang kumakain ay aking napagninilayan
ang mga paruparong naglilibot sa lansangan
at sa puno ng gumamela'y nagkakatuwaan
tila kaytamis ng nektar doong masarap tikman

natapos ang aming kain, tiyan din ay nabundat
sa napagninilayan ay bakit napamulagat
habang nililikha ang mga tulang nadalumat
mula sa pintig ng puso, danas, at diwang mulat

- gregoriovbituinjr.

Monday, September 21, 2020

Matagal na akong patay

matagal na akong patay, ngayon lang napagnilay
mula nang mapadpad sa lugar na ito na'y patay
di na ako ang dating ako noong nabubuhay
tila sa sementeryong tahimik na nakahimlay

patay na pala ako, ngayon ko lang napag-isip
kaya pala aking dibdib ay laging nagsisikip
sa anim na buwang lockdown, di ko lubos malirip
na narito pa rin akong tila nananaginip

ako pala'y patay na, ngayon nga'y napagtanto ko
di na ako ang ako pagkat kayraming nagbago
nasa isang lugar akong animo'y sementeryo
payapang-payapa, di nababagay sa tulad ko

lalo't ako'y aktibistang dapat nasa labanan
nag-oorganisa ng dukha't kapwa mamamayan
bakit ba ako napadpad sa payapang kulungan
kung tatagal pa rito'y isa itong kamatayan

di na ako ang ako kung dito'y mananatili
sa sementeryong buhay kong sadyang nakamumuhi
uuwi ako sa sambayanan, sa aking uri
at doon ay sumigla at mabuhay na mag-uli

- gregoriovbituinjr.

Thursday, September 17, 2020

Hibik ng makatang magbabasura

bagamat ngayon ako'y lagalag na basurero
habang nasa kwarantinang walang kita't trabaho
naggugupit ng plastik upang iekobrik ito
nagsisipag pa gayong wala namang pera rito

bagamat abala rin sa iba pang ginagawa
tulad ng pag-atupag sa pahayagang Taliba
na dalawang beses isang buwan nalalathala
pagkat sa pagsusulat naroon ang puso't diwa

gagawa ng tula, kwento, sanaysay, at ekobrik
sipag ko'y kita nilang araw-gabi nagsisiksik
sa boteng plastik ng pinaggupit-gupit kong plastik
na ang tanging pahinga'y ang pagtangan sa panitik

ganyan ang buhay nitong makatang magbabasura
kaya laging abala sa panahong kwarantina
kung makakawala lang sa lockdown ay gagawin na
at nang makahanap naman ng trabaho pang iba

magkatrabaho sana ang basurerong lagalag
trabahong may sahod upang sa pamilya'y may ambag
datapwat ngayon ay sa ekobrik pa nagsisipag
at sa kwaderno'y nagsusulat, di pa rin panatag

- gregoriovbituinjr.

Mayo 7, araw ng mga health worker

MAYO 7, ARAW NG MGA HEALTH WORKER ang ikapito ng Mayo ay  Health Workers' Day  pala sa mga health worker, salamat sa inyo talaga dahil s...