Wednesday, July 29, 2020

Ayoko na sa ganitong sitwasyong kwarantina

ayoko na sa ganitong sitwasyong kwarantina
na animo'y bangkay na't walang kapaga-pag-asa
kaya paggupit man ng plastik ay pinatulan na
kaysa tumunganga, dama'y hungkag at walang kwenta

mabuti pang bumalik na sa pangunahing lungsod
upang sa bayan ay patuloy na makapaglingkod
ayoko sa kwarantinang bangkay kang nakatanghod
mabuting nakikibakang ako'y sugod ng sugod

mabuting nabubuhay na mayroon kang dahilan
upang mabuhay, kahit sinuong mo'y panganib man
kaysa lockdown na bangkay kang walang kalaban-laban
paano babalik sa dating mundo'y pag-isipan

bumalik o magpatiwakal, anong pipiliin?
ang ikalawa'y kabaliwang ayokong isipin
mabuti pa ang una't isang mandirigma pa rin
inaalay ang buhay sa marangal na layunin

- gregbituinjr.

Wednesday, July 22, 2020

Anong batayan ng isang metro sa social distancing?

Anong batayan ng isang metro sa social distancing?

bakit sa social distancing, ang layo'y isang metro?
ito'y narinig ko lang sa balita't mga tao
bakit di dalawa, tatlo, apat, lima, o pito?
anong matematikang batayan ng metrong ito?
upang virus ay masugpo o di mahawa nito?

pag bumahin ka ba'y di na aabot sa kaharap?
lalo't tinakpan agad ang ilong sa isang iglap
mahirap bumahin nang may facemask, baka malasap
mo'y sakit, lalo't sariling virus na ang nalanghap
kaya isang metrong agwat ba'y isa nang paglingap?

sa dyip ngayon, may plastik na harang sa katabi mo
saan man magpunta, dapat ba't laging isang metro?
magtungo ka man sa grocery, mall, botika, bangko?
maglakad sa bangketa, lumayo sa kasunod mo?
nasa palengke man o kumain sa turo-turo?

yaon bang nagka-COVID at namatay ba'y lumabag?
sa batayang isang metro, o sinabi ko'y hungkag?
libu-libo'y namatay, agwat ba'y may paliwanag?
hinahanap ko ang sagot upang di nangangarag
bakasakaling mahanap, ito'y malaking ambag

pagbabakasakali ba ang isang metrong agwat?
sa geometriya o pisika ba'y masusukat?
sana batayan nito'y may syentipikong dalumat
paliwanag sana'y makita't huwag malilingat
upang di naman tayo nagkakahawaang lahat

- gregbituinjr.
07.22.2020

Wednesday, July 8, 2020

Sa kwarantina ng mga lubid

naipit siya sa kwarantina ng mga lubid
di ko mawaring sa puntong iyon ay mauumid
panggagalaiti niya'y kitang-kita sa litid
ng leeg niyang may kung anong nagbabadya't hatid

maraming sampayan, pulos panali sa bodega
iba't ibang kapal ng lubid sa dating pabrika
iniwanan ng may-ari noong sila'y magwelga
at nang mag-lockdown ay naiwan siyang nag-iisa

walang agarang suporta, gipit, anong nangyari?
di ka pwedeng basta lumabas kung ayaw mahuli
sa kwarantina ng mga tali'y di mapakali
masaklap, baka kumuha ng lubid at magbigti

napapaligiran ng lubid, ah, kaawa-awa
sa kwarantinang ito'y nais niyang makawala
walang trabaho, walang kita, wala ring magawa
animo piketlayn na iyon ay kasumpa-sumpa

mabuti't may ilang manggagawang sumusuporta
na malapit doong may bigay ng konting halaga
ngunit sadyang iba sa panahon ng kwarantina
pagkat iba'y nasa pamilya, siya'y nag-iisa

- gregbituinjr.

Friday, July 3, 2020

Sana'y naging frontliner na sa unang buwan pa lang

wala na akong naitutulong, pabigat na lang
ito'y nadarama sa bawat araw na magdaan
walang perang maiambag, gawaing bahay lamang
pambayad ng kuryente't tubig ay kukunin saan

di makaisip ng diskarte ang utak-bagoong
ibebenta ba ang puri lalo't hilong talilong
kakalabitin ba ang gatilyo sa ulong buryong
ayoko namang sa droga't mga bisyo'y malulong

katawan ay nakakulong, diwa'y lilipad-lipad
sa kwarantinang ito'y paano makakausad
pangyayari'y anong bilis, diskarte'y anong kupad
sariling ekonomya'y patuloy na sumasadsad

sana'y naging frontliner na sa unang buwan pa lang
nang buhay na ito'y maging kapaki-pakinabang
buhay sana'y may esensya't substansya, di mahibang,
di tulad ngayong walang kita't pabigat na lamang

- gregbituinjr.

Mayo 7, araw ng mga health worker

MAYO 7, ARAW NG MGA HEALTH WORKER ang ikapito ng Mayo ay  Health Workers' Day  pala sa mga health worker, salamat sa inyo talaga dahil s...