Monday, March 30, 2020

Magtanim-tanim sa panahon ng COVID-19

Magtanim-tanim sa panahon ng COVID-19

sa kalunsuran nga'y nauso ang urban gardening
wala mang malaking lupa'y maaaring magtanim
sa lata ng pintura't sardinas o sa paso rin 
magtanim upang balang araw ay may aanihin

magtanim ng alugbati't kamatis sa bakuran
magtanim ng munggo sa paso't lagi mong diligan
pati kamote't talbos nito'y masarap iulam
basta't mga tanim mo'y lagi mong aalagaan

sinong maysabing sa lungsod ay di pwedeng magsaka
gayong sa urban gardening ay makakakain ka
mayroon kang tanim, pakiramdam mo pa'y masaya
aba'y may gulay ka na, may ulam pa ang pamilya

tayo'y magtanim at paghandaan natin ang bukas
lalo't may kwarantinang di ka basta makalabas
lalo sa panahon ngayong buhay ay nalalagas
dahil sa sakit na di pa nabibigyan ng lunas

magtanim ng kalabasa, patola, okra, gabi
tayo't mag-urban gardening na't ating masasabi
sa panahon ng kwarantina, tayo'y very busy
lalo't ang buhay sa ngayon ay di na very easy

- gregbituinjr.

Wala nang magtataho sa mga lansangan

Wala nang magtataho sa mga lansangan

aba'y wala nang magtataho sa mga lansangan
pati sila'y kailangang maglagi sa tahanan
ngunit isang kahig, isang tuka ang karamihan
paano ang pamilya sa ganitong kalagayan

pagkat panahon ngayon ng lockdown o kwarantina
upang di mahawa sa sakit na nananalasa
panahong sa polisiya'y dapat kang makiisa
upang di mahawa ng sakit ang iyong pamilya

kaysarap pa man din ng taho nilang nilalako
pampatalas daw ng isip, iyan ang tinuturo
kaya pala marami ang nahihilig sa taho
lalo na't batang nag-aaral matapos maglaro

ngunit wala nang magtataho sa mga lansangan
kung kailan sila babalik ay di pa malaman
sana'y malutas na ang nanalasang karamdaman
upang inaasam nating taho'y muling matikman

- gregbituinjr.

Sunday, March 29, 2020

Tutulungan ba sila o tutulugan lang sila?- Batay sa twit ni Chiara Zambrano


Mula sa twit ni Chiara Zambrano:

Huminto sa stoplight sa gitna ng coverage. May dalagitang 
kinilig na makakita ng kotse, lumapit para manlimos.
“Ate,” sinabi ko nang malakas para tagos sa n95 - 
“Umuwi ka. Delikado sa labas, magkakasakit ka. Uwi na, Ate.”
Ngumiti siya, at humakbang paatras.
Wala akong bahay.”

TUTULUNGAN BA SILA O TUTULUGAN LANG SILA?

maraming walang bahay, sa kalsada nakatira
sa panahong ito'y sinong kumupkop sa kanila
mahirap na nga sila, tapos, may COVID-19 pa
tutulungan ba sila o tutulugan lang sila?

kasalanan ba nilang isinilang na mahirap
kasalanan bang hanggang ngayon sila'y naghihirap
kung tamaan pa sila ng sakit, sinong lilingap
kung wala silang pera't buhay ay aandap-andap

sa panahong ito sana'y may lumingap sa dukha
ang pamahalaan sana'y mayroon pang magawa
at may mga tao pa sanang mapagkawanggawa
na may puso sa pagtulong sa kapwa't kumalinga

maawa din sana pati Anghel ng Kamatayan
huwag silang puntiryahin pagkat walang tahanan
matulungan sana ng kanilang pamahalaan
mahirap lang sila, ngunit kapwa tao rin naman

- gregbituinjr.

Ang buhay ay di pulos dilim

ANG BUHAY AY DI PULOS DILIM

ang buhay ay di pulos dilim
pagkat may umagang parating
bagamat tayo'y naninindim
sa panahon ng COVID-19

pesteng sa tao'y lumalamon
si Kamataya'y nangangaon
magtulungan tayo sa hamon
puksain ang salot na iyon

salot na iyon ay lilipas
at haharap sa bagong bukas
kahit na marami pang bakas
iyang salot na umuutas

sinaklot na tayo ng lagim
diwa'y huminto sa rimarim
ang buhay ay di pulos dilim
may umaga ring anong lilim

- gregbituinjr.

Friday, March 27, 2020

Tuyong hawot sa panahon ng kwarantina


Tuyong hawot sa panahon ng kwarantina

tuyong hawot na'y iniisip kong letsong kawali
walang pera, kwarantina pa, wala nang mapili
sa kinaing hapunan, nasasarapan kunwari
wala namang masama kung magbabakasakali

sa panahon ng lockdown ay ganyan ang nadarama
nagkukunwari't nang sanidad ay manatili pa
pagkain na'y pulos pangkalamidad o sakuna
ganito ang buhay sa panahon ng kwarantina

tuyong hawot ay sabayan ng hinog na kamatis
sumasarap din ang kain kahit na nagtitiis
huwag lang magdamot kahit sino pa ang kadais
magbigay sa kapwa't dama mo'y kaysarap, kaytamis

kaysarap ng hawot, isipin lang ito'y adobo
at sa gutom ay makakaraos ka rin ng todo

- gregbituinjr.

Pagninilay habang nagsisibak

nasa liblib na muna't panahon ng kwarantina
nagninilay, kumakatha, wala pa ring pahinga
dapat ding tumulong sa bahay, kusina, maglaba,
maglampaso, magsibak ng panggatong, mamalantsa

dapat ding pag-ingatan ang pagsisibak ng kahoy
habang nasa diwa'y kung anu-anong pananaghoy
na pinagmamasdan ang kongreso ng mga baboy
habang maraming matitikas ang naging palaboy

gamit ko sa pagsibak ang matalas na palakol
pagsibak ng punong mulawin ay pauntol-untol
malambot ang ipil-ipil na madaling maputol
pag bao ng niyog ay gulok naman ang hahatol

samutsari ang nasa isip habang nagsisibak
anong dapat gawin upang di gumapang sa lusak
kinakatha kung paano iiwasan ang lubak
ng diwa't damdaming umaararo sa pinitak

- gregbituinjr.

Thursday, March 26, 2020

Matindi talaga ang epekto ng COVID-19

matindi talaga ang epekto ng COVID-19
dalawang beses na lang kada araw kung kumain
minsan akala mo'y busog ka ngunit gutom pa rin 
parang natortyur muli, kwarantina'y piitan din

madaling araw gigising, tindahan pa'y sarado
ikasiyam pa ng umaga magbubukas ito
si Bunso'y iyak ng iyak, naubos na ang Nido
at iisang balot na lang ang natitirang Milo

mabuti't nakabili pa ng isang sakong bigas
bago pa patakaran sa kwarantina'y ilabas
paubos na ang naimbak na nudels at sardinas
mabuti't may alugbating agad na mapipitas

kung laging alugbati ang ulam, nakakasawa
gulay na't nudels, walang mabilhan ng karne't isda
sa COVID-19, tila bawat isa'y kaawa-awa
di makapagtrabaho, ramdam mo'y walang magawa

ang mga dating pinagpala'y naging mapag-imbot
kahit ang mga dating galante'y naging kuripot
ugnayan ng tao'y nawala, nauso ang damot
habang nabubundat naman yaong trapo't kurakot

pamilya'y inuuna, kapwa'y balewala muna
pondo ng gobyerno'y di rin sapat, mauubos na
sa atin nga'y kaytinding epekto ng kwarantina
nawa pananalasa ng salot ay matapos na

- gregbituinjr.

Wednesday, March 25, 2020

Pang-unawa sa panahon ng COVID-19



may diskriminasyon ba mula sa ilang probinsya?
kung nanggaling kang Wuhan, China, o Metro Manila?
pag galing ka bang Maynila, kahina-hinala na
mula N.C.R., buong Luzon na ang kwarantina
upang sa COVID-19 ay di tayo mabiktima

inunawa naman natin ang dapat unawain
upang di naman tayo mahawa ng COVID-19
subalit karapatang pantao ba'y nasasaling?
salamat naman kung may nagbibigay ng pagkain
nakikita lang sa balita ngunit di maangkin

hanggang kailan ba magtitiis laban sa salot
di na makalabas ng bahay at baka madampot
nagtitiis mamaluktot pag maiksi ang kumot
kaunti na lang ang nakakain, nakalulungkot
paano malalagpasan ang nangyayaring gusot

kumusta ang mga maralitang walang tahanan
at ang mga nagsilikas nang pumutok ang bulkan
paano ang mga manggagawang di masahuran
nilalagnat na ang daigdig at ang ating bayan
sa panahong ito'y dapat lang tayong magtulungan

- gregbituinjr.

Tuesday, March 24, 2020

Bilin sa mga kasama sa panahon ng COVID-19


Bilin sa mga kasama sa panahon ng COVID-19

magpatuloy sa pagbabasa ng mga teorya
ng mga bayaning nagtagumpay na sa pagbaka
suriin ang mga karanasan nila't historya
paano nila binago ang bulok na sistema
iyan muna ang gawin habang nasa kwarantina

bakasakaling may idulot din itong mabuti
anong teoryang inaral mo, anong masasabi
magbasa-basa, mag-aral umaga hanggang gabi
mga nabasa mo'y ibahagi't huwag iwaksi
pag kwarantina'y natapos na'y makipagdebate

habang nag-iisip saan kukunin ang pangkain
at paano COVID-19 ay ating pipigilin
paghandaan ang paparating na kakabakahin
magbayanihan pa rin upang di tayo gutumin
sa panahong ito ng ligalig sa bayan natin

- gregbituinjr.

Monday, March 23, 2020

Sumisiklab ang poot na nakakulong sa dibdib

sumisiklab ang poot na nakakulong sa dibdib
manggagawa'y di na makapagtrabaho ng tigib
sarado ang mga lungsod, tira muna sa liblib
tinatahanang dampa animo'y palasyong yungib

nauubos na ang pondo't gutom na ang kaharap
dahil sa salot ay naapektuhan ang pangarap
ngunit sino nga ba ang sa bawat isa'y lilingap
kundi tayo-tayo rin, at bawat isa'y mangusap

dahil ss salot, nagkwaratina't di mapalagay
nagmistulang ermitanyo sa liblib na barangay
tangan ang kwaderno'y kung anu-anong naninilay
huwag lamang mahawa ng sakit na lumalatay

naiinis sila't isip ng isip ang makata
kaysa manood ng telebisyon, katha ng katha
sulat man ng sulat ay nakikinig ng balita
huwag lang sa kwarantina, sanidad ay mawala

- gregbituinjr.

Tumatagay pa rin ng salabat sa dapithapon


tumatagay pa rin ng salabat sa dapithapon
inaaliw ang sarili sa kwarantina roon
paano ba itutuloy ang sinumpaang misyon
at magampanang husay ang adhikain at layon
sa mga nangyayari'y paano makatutugon

balikan ang mga sinulat ng bayaning mulat
habang nasa kwarantina pa'y magbasa ng aklat
paano aayusin ang mga basurang kalat
pagkakaisa ng uri'y paano isusulat
tara, uminom muna ng masarap na salabat

- gregbituinjr.

Friday, March 20, 2020

Ang tulang "Estremelenggoles" sa panahon ng COVID-19


ANG TULANG "ESTREMELENGGOLES" SA PANAHON NG COVID-19

nabasa ko na noon ang tula ni Rio Alma
na "Estremelenggoles" ang ipinamagat niya
hinggil sa sakit na sa isang bansa'y nanalasa
at ang hari'y nag-atas na lutasin ang problema
ang sakit na yaon ay COVID-19 ang kapara

tula niya'y sa utak ko na lang natatandaan
pagkat wala sa akin ang aklat na katibayan
marahil nasa ibang bahay o nasa hiraman
ngunit "Estremelenggoles" ay di ko nalimutan
lalo't nananalasa ang COVID-19 sa bayan

maraming namatay sa sakit, kahila-hilakbot
samutsari na'y ginawa ng mga manggagamot
upang malunasan ang sakit na sa madla'y salot
nilinis ang buong paligid, basura'y hinakot
di malaman kung saan mula ang sakit na dulot

problema'y di malunasan, palala ng palala
ngunit nilutas ng makata sa dulo ng tula
hari'y nagbigti, Estremelenggoles, biglang-bigla
sakit ay nawala, kaya buong baya'y natuwa
aral: COVID-19 ay malulunasan ding pawa

- gregbituinjr.
03.20.2020

Wednesday, March 18, 2020

Salamat sa alkohol

SALAMAT SA ALKOHOL

nagkakaubusan na ng nabibiling alkohol
sa mga tindahan, sa botika, grocery at mall
pinakyaw ng maypera nang walang kagatul-gatol
habang ang iba'y naubusan na't di nakahabol

pagkat pananggol ang alkohol sa banta ng COVID
subalit ang mga namakyaw ay mistulang ganid
na di naisip ang kapwa't kababayang kapatid
isip ay sarili sa problemang salot ang hatid

dapat lumikha pa rin ng alkohol sa pabrika
ngunit doblehin ang sahod ng manggagawa nila
alkohol nga'y kailangang-kailangan ng masa
huwag lang pagtubuan, bagkus itindang mas mura

O, alkohol, ikaw ang una upang sansalain
ang bantang salot ngayong panahon ng COVID-19
kayraming mikrobyo sa mundong dapat mong durugin
tunay kang bayaning dapat pasalamatan namin

- gregbituinjr.
03.18.2020

Pagninilay sa panahon ng COVID-19

PAGNINILAY SA PANAHON NG COVID-19

aba'y di ito ang panahon ni Cupid, datapwat
sa panahon ng COVID-19, sakit na'y nagkalat
habang mga gobyerno sa bansa nila'y nag-ulat
epidemya'y daigdigan na ang isiniwalat

marami'y nabigla, nagkumahog, hilong talilong
ayaw mahawaan, kaya sa bahay na'y nagkulong
community quarantine ang sa masa'y sumalubong
upang maiwasan ang sakit na dumadaluhong

dito nga sa bansa'y nagpanic-buying na ang tao
upang maibsan ang gutom kung lalala pa ito
sundalo't pulis na'y nasa daan, tila martial law
obrero'y pinigilan, sa bahay daw magtrabaho

tila dinaluhong tayo ng dambuhalang lintik
epidemyang salot sa buong mundo na'y nahasik
sa problemang ito'y di dapat magpatumpik-tumpik
dapat ito'y malutas bago mata'y magsitirik

- gregbituinjr.
03.18.2020

Sunday, March 15, 2020

Nilalagnat na daigdig

NILALAGNAT NA DAIGDIG

nilalagnat na rin ang tahanan nating daigdig
marami na ring sa COVID-19 ay nangalupig
kaya magbayanihan na tayo't magkapitbisig
upang ang karamdamang ito'y di tayo madaig

marami na'y nilalagnat ngunit di matingkala
kung kailan ang pananalasa nito'y huhupa
sarili na'y ikinukulong upang di mahawa
at di na makahawa kung may sakit nang malala

tama namang uminom ng tubig upang di mauhaw
tama rin namang minsan sa alkohol ka maghinaw
at tama rin namang laging magsabon ka't magbanlaw
huwag lang magkasakit na dama'y tila balaraw

kailangan ng lakas nina Hercules at Atlas
upang daluhungin ang salot na di pa malutas
at kuyom man ang kamao'y naghahanap ng lunas
upang sakbibi ng sakit ay tuluyang maligtas

- gregbituinjr.

Mayo 7, araw ng mga health worker

MAYO 7, ARAW NG MGA HEALTH WORKER ang ikapito ng Mayo ay  Health Workers' Day  pala sa mga health worker, salamat sa inyo talaga dahil s...